GraceNotes
   

   Ang Paghuhukom ng mga Tupa at mga Kambing – Mateo 25:31-46

31 Datapuwa't pagparito ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng mga anghel, kung magkagayo'y luluklok siya sa luklukan ng kaniyang kaluwalhatian: 32 At titipunin sa harap niya ang lahat ng mga bansa: at sila'y pagbubukdinbukdin niya na gaya ng pagbubukodbukod ng pastor sa mga tupa at sa mga kambing; 33 At ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan, datapuwa't sa kaliwa ang mga kambing. 34 Kung magkagayo'y sasabihin ng Hari sa nangasa kaniyang kanan, Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan: 35 Sapagka't ako'y nagutom, at ako'y inyong pinakain; ako'y nauhaw, at ako'y inyong pinainom; ako'y naging taga ibang bayan, at inyo akong pinatuloy; 36 Naging hubad, at inyo akong pinaramtan; ako'y nagkasakit, at inyo akong dinalaw; ako'y nabilanggo, at inyo akong pinaroonan. (Mat. 25:31-36)

Sa turo ni Jesus tungkol sa mga huling araw, nakikita natin ang mga bansang Gentil (ethnē) na nahahati sa mga tupa at mga kambing. Ang mga una ay papasok sa kahariang may buhay na walang hanggan, at ang mga huli ay parurusahang walang hanggan. Ano ang nagtatakda ng kanilang mga kapalaran?

Isang pagsusuri ng konteksto

Ang apat na talinghaga sa Mateo 24-25 ay maaaring maunawaan sa kronolohikal na pagkakasunod-sunod. Pagkatapos ng mga talinghagang ito, tinapos ni Jesus ang Kaniyang mensahe tungkol sa eskatolohiya sa isang salita tungkol sa paghuhukom sa mga bansang Gentil na sumasalamin sa mga kaganapang itinuro Niya sa Mateo 24:5-31. Sa bahaging iyon, nagbanggit si Jesus ng isang malaking pag-uusig sa mga Judio ng Anticristo. Bagaman may ilang mga Judio at Gentil na mamamatay sa pag-uusig ng Anticristo, ang mga magtitiis hanggang sa katapusan ng Tribulasyon ay maliligtas, o sa wakas ay maililigtas mula sa kanilang mga kaaway (Mat. 24:13). Ang pagkakasunod-sunod ng mga talinhaga sa mga kabanata 24-25 ay nagpapahiwatig na ang Hukuman ni Cristo at ang pagbibigay ng mga gantimpala ng kaharian ay nagaganap sa simula o sa panahon ng Tribulasyon. Ang paghuhukom ng mga tupa at mga kambing ay nasa katapusan ng Tribulasyon. Ang paghatol na ito ay hindi dapat ipagkamali sa Paghuhukom ng Dakilang Puting Luklukang para lamang sa mga hindi mananampalataya (Pah. 20:11-15).

Mga hindi sapat na pananaw

Maraming nakikita ito bilang isang paghuhukom na ginagawa ni Jesus habang pinaghihiwalay niya ang mga tupa at mga kambing. Nakikita nila Siyang humahatol sa kaligtasan o kaparusahan ng mga bansang Gentil batay sa kung tinulungan ba nila ang mga Judio (tinatawag na “Aking mga kapatid" sa 24:40) sa Tribulasyon. Ito ay isang mahirap na teolohikal na interpretasyon dahil ang mga gawa ang nagiging batayan ng kaligtasan at ang kawalan ng mga gawa ang nagiging batayan ng kaparusahan. Ang kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya ay hindi kasama ang kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa (Efeso 2:8-9).

Ang ilan ay binabago ang naunang pananaw upang ipahayag na ang mga gawa ay hindi direktang kundisyon para sa kanilang mga paghuhukom kundi ebidensya kung ang mga bansa ay tunay na mananampalataya o hindi. Ang mga bansang tumulong sa mga inuusig na Judio sa Tribulasyon ay nagpapakita ng ebidensya ng kanilang kaligtasan; ang mga bansang hindi tumulong, nagpapakita ng kakulangan ng kaligtasan. Ngunit ang pananaw na ito ay hindi nag-aalis ng pangangailangan ng mga gawa para sa paghuhukom ng kaligtasan ng isang tao dahil ang mga ito lamang ang pamantayan na naghihiwalay sa mga tupa mula sa mga kambing.

Mas mabuting pananaw

Bago banggitin ang paghatol na ito, itinuro ni Jesus na ang ilang mga Judio at Gentil ay makakaligtas sa Tribulasyon at maliligtas mula sa kanilang mga kaaway (Mat. 24:13, 22; tingnan ang Tala ng Biyaya Blg. 61 “Ang Kaligtasan Ng Mga Nakatiis Hanggang sa Katapusan sa Mateo 24:13). Kinikilala ni Jesus ang tulong ng mga ligtas na mga bansang Gentil sa mga inuusig na mga Judiong nagtitiis sa Tribulasyon at nakarating sa wakas. Ang pagbanggit sa kanilang mga mabuting gawa ay maaaring magpahiwatig ng mga gantimpala habang minamana nila ang isang kahariang espesyal na inihanda para sa kanila (v. 34) at pumasok sa “buhay na walang hanggan” (v. 46). Ang pagkakaiba sa mga kambing na papasok sa “walang hanggang parusa” (v. 46) ay nagsasalita ng mga walang hanggang kundisyon, hindi lamang isang panghuling tirahan.

Mas mabuting makita ang tatlong paghuhukom sa talinghagang ito. Sa oras na paghiwalayin ni Jesus ang mga tupa mula sa mga kambing, ang kanilang katayuan bilang mga tupa o kambing ay natukoy na bago pa man banggitin ang kanilang mga gawa. Ang tanging batayan para ihiwalay ang mga mananampalataya (tupa) mula sa mga hindi mananampalataya (kambing) ay ang pananampalataya o kawalan ng pananampalataya kay Jesucristo bilang Tagapagligtas. Bagaman hindi tahasang binanggit, ang buong nilalaman ng Kasulatan ay nagtuturong ang pananampalatayang nagliligtas o kawalan nito ang nagtatakda ng walang hanggang kapalaran ng isang tao. Iyan ang unang paghuhukom.

Bakit, kung gayon, binanggit ang mga gawa ng mga bansa? Habang ang mga gawa ay hindi nagtatakda ng katayuan ng mga bansa bilang mga tupa o mga kambing, ang mga gawa ay nagtatakda ng kanilang mga konsekwensiya sa eternidad. Ang ikalawang paghuhukom ay para sa mga tupa, ang mga bansang nananampalatayang tatamasa ng mga espesyal na gantimpala. Tinawag sila ni Jesus na “pinagpala ng Aking Ama” at inaanyayahan silang “magmana ng kaharian” (v. 34) o tamasahin ang pakikilahok sa pamamahala ng kaharian ni Cristo, isang tema ng naunang talinhaga (24:21, 23; tingnan din ang Lucas 22:27-30; Roma 8:17; 2 Tim 2:10-13). Ang terminong “buhay na walang hanggan” na ginamit sa talatang 46 ay dapat maunawaan sa konteksto ng kalidad ng buhay, hindi lamang sa haba ng panahon (tingnan ang Gal. 6:7-8; 1 Tim. 6:17-19).

Ang ikatlong paghuhukom ay para sa mga kambing, ang mga bansang hindi nananampalataya. Ang konsekwensiya para sa kanila ay binibigyang-diin ang kanilang karanasan, hindi ang kanilang lokasyon. Mararanasan nila ang “walang hanggang apoy” (v. 41) at “walang hanggang parusa” (v. 46). Bagaman hindi ito binanggit, alam nating ang lawa ng apoy ang huling tahanan ng lahat ng hindi nananampalataya (Pah. 20:14-15). Gayunpaman, ang pagbanggit ng “parusa” ay nagpapahiwatig ng higit pa sa isang pinal na tirahan. Ipinapahiwatig nito ang banal na paghihiganti o mga antas ng parusang tinutukoy ng dating gawi, tulad ng sa Paghuhukom ng Dakilang Puting Luklukang darating kalaunan (Pah. 20:12-13; tingnan din ang Mat. 23:14/Marcos12:38-40/Lucas 20:46-47).

Ang ikatlong interpretasyong ito ng paghuhukom ng mga tupa at mga kambing ay pinipigilan ang mga gawang tukuyin kung sino ang ligtas (mga tupa) o hindi ligtas (mga kambing). Hindi pinag-iiba ni Jesus ang mga antas ng katapatan o mga antas ng kasamaan dahil inilalarawan Niya kung ano ang karaniwang katangian ng bawat grupo. Ang iba't ibang antas ng katapatan ay mas tiyak na nauugnay sa Hukuman ni Cristo tulad ng ipinahiwatig sa isang naunang talinghaga (Mat. 25:20-23).

Pagbubuod

Mahalagang maunawaang ang pagkilala sa mga bansa bilang mga tupa o mga kambing (ang unang paghuhukom) ay natukoy bago tayo dumating sa dalawang huling paghuhukom. Sa mga paghatol na ito, hindi pinipili ni Jesus ang kanilang kaligtasan kundi hinahati ang mga bansa ayon sa kanilang mga kapalarang may kaakibat na mungkahi ng gantimpala para sa mga nananampalatayang bansa at parusa para sa mga hindi nananampalatayang bansa. Ang kanilang mga gawa, mabuti man o masama, ay hindi nagtatakda ng kanilang kaligtasan, kundi ng kalidad ng kanilang eternal na karanasan. Ang kaligtasan ay palaging nakabatay sa libreng kaloob ng Diyos na tinanggap sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo. Ang kalidad ng ating buhay sa eternidad ay natutukoy, sa bahagi, kung paano natin tratuhin ang mga nangangailangan.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes