GraceNotes
   

   Ang Alagad at ang Espirituwal na Cristiano



Ano ang nais ng Diyos para sa mga naligtas sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo? Sa Evangelio, ito ay ang maging alagad ni Jesucristo tungo sa daan sa pagiging kahawig ni Cristo. Ngunit sa Mga Epistula, kung saan ang mga salitang alagad at pagiging alagad ay hindi ginamit, may nakita tayong ibang perspektibo sa nais ng Diyos para sa mga mananampalataya. Ang mga awtor na ito, lalo na ang Apostol Pablo sa 1 Corinto 2:6-3:4, ay gumamit ng iba’t ibang termino upang ilarawan ang espirituwal na estado ng mga tao. Ang mga ito ay nakatutulong na kategoriya bagama’t hindi laging malinaw na nailalarawan.

Ang Alagad sa Evangelio at Mga Gawa

Ang alagad ay isang tagasunod o estudyanteng nagnanais maging katulad ng kaniyang maestro o guro (Mat. 10:25a). Sa Evangelio, ang mga alagad ay karaniwang tumutukoy sa mga tagasunod ni Jesus na nasa landas ng mas malalim na pagtatalaga ngunit minsang ginamit para sa mga hindi mananampalataya (Juan 6:60-66). Sa Mga Gawa, lahat ng mga Cristiano ay mga alagad dahil ang kwento ng Mga Gawa ay patungkol sa mga masunuring Cristianong tinutupad ang utos ni Cristong “gawing alagad ang lahat ng mga bansa” (Mat. 28:18-20; Gawa 1:8). Ang mga komitado at lumalagong Cristiano ang pamantayan sa Mga Gawa, na siyang dahilan kung bakit ang mga eksepsiyon ay binigyan ng espesyal na atensiyon (Gawa 5:1-11; 8:9-24).

Ang nawawalang alagad sa mga Epistula

Sa mga Epistula, ang alagad at pagiging alagad ay hindi nabanggit. Sa halip, nakita natin ang ekshortasyong tularan ang Apostol Pablong tumulad naman kay Cristo (1 Cor. 11:1). Bilang mga tagasalin ng aral ni Jesus, pinili ng mga awtor ng mga Epistulang ilarawan ang ang mga katangian ng iba’t ibang grupo ng mga tao, at implisit na kabilang dito ang mga alagad. Ang layon ni Jesus at ng mga awtor ng mga Epistula ay pareho: ang pagkahawig kay Cristo. Subalit, naiiba ang mga Epistula dahil ang mga mananampalataya ngayon ay may kapangyarihan ng nananahang Espiritu Santong binigay sa Pentekoste (Gawa 2:1-4; 1 Cor. 6:19).

Apat na uri ng mga tao sa mga Epistula

Nang hindi ginagamit ang mga salitang alagad o pagiging alagad, nilarawan ng mga Epistula ang iba’t ibang espirituwal na estado ng mga taong maituturing na mga alagad.

Ang natural (sa laman) na tao. Ang ganitong uri ng tao ay nilarawan sa 1 Corinto 2:14: “Nguni't ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagka't ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya; at hindi niya nauunawa, sapagka't ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu.” Ang mga taong ito ay hindi ligtas. Maaaring malaman nila ang mga katotohanan ng mensahe ng evangelio ngunit tinuring nila itong kamangmangan. Hindi nila ito maunawaan at hindi mayakap ang mga espirituwal nitong implikasyon. Isang halimbawa ay ang mga punong Judiong alam ang turo ni Jesus ngunit hindi tumugon nang may pananampalataya upang tanggapin ito (Juan 5:29-30; 8:43).

Ang espirituwal (sa Espiritu) na tao. Sinalungat ng Apostol Pablo ang natural na tao sa ideyal ng Diyos sa bawat mananampalataya: ang maging espirituwal, “Nguni't ang sa espiritu ay nagsisiyasat sa lahat ng mga bagay, at siya'y hindi sinisiyasat ng sinoman. Sapagka't sino ang nakakilala ng pagiisip ng Panginoon, upang siya'y turuan niya? Datapuwa't nasa atin ang pagiisip ni Cristo” (1 Cor. 2:15-16). Ang mga pahiwatig sa konteksto ay makatutulong upang makilala ang espirituwal. Sila ay tinawag na maturo o mga may gulang (1 Cor. 2:6) na nakauunawa ng malalalim na bagay ng Diyos gaya ng tinuro ng Espiritu ng Diyos na nagbibigay sa kanila ng abilidad na hatulan at maunawaan ang espirituwal na katotohanan (1 Cor. 2:7-13). Isa pang paraan ng pagsabi nito ay taglay nila “ang kaisipan ni Cristo” (v. 16). Hindi tulad sa natural na tao, ang espirituwal na tao ay nagagalak at yumayakap sa mga bagay ng Diyos. Ang mga espirituwal ay hindi mahatulan ng mga hindi, dahil ang huli ay walang espirituwal na pagkaunawa. Agarang kinumpara ni Pablo ang espirituwal na tao sa natural na tao upang bigyang diin ang ideyal ng Diyos sa bawat mananampalataya.

Karagdagang liwanag ang makikita sa ibang mga Epistula. Nilarawan ng Roma 8:5-6 ang espirituwal na tao bilang siyang nakatuon ang isip sa mga bagay ng Espiritu at kung ganuon ay espirituwal ang kaisipan. Ang ekshortasyong “lumakad sa Espiritu” (Gal. 5:16) at “mapuspos ng Espiritu” (Ef. 5:18) ay malinaw na sumasalamin sa layon ng Diyos at sa pamamaraan kung paano maging espirituwal na tao. Ang mga pasaheng ito ay nagkukumpara ng espirituwal at makasanlibutang oryentasyon.

Ang espirituwalidad ay hindi nalilikha ng panlabas na mga gawa ngunit naipapakita sa panlabas na kilos na nalikha ng pagsuko sa Espiritu.

Ang mga espirituwal na Cristiano ay nasa pangkat ng mga mananampalatayang nilarawang “maturo” (1 Cor. 2:6; 14:20; Fil. 3:15; Heb. 5:14; mula sa Griyegong teleios, minsan ay sinasaling ganap, sangkap). Samantalang ang maturo ay tumutukoy sa estado ng mananampalataya, dapat nating maunawaang ang maturidad ay isang proseso ng panahon at karanasan kung saan ang lumalagong Cristiano ay maaaring espirituwal o hindi. Isang pagkukumpara ay ang proseso ng paglago ng tao mula sa imaturong bata hanggang sa isang matatawag na maturo. Bukod sa espirituwal na pagkaunawa at komprehensiyon ng mga malalalim na bagay ng Diyos, ang espirituwal na tao ay nagpapakita ng bunga ng Espiritu (Gal. 5:22-23). Isang magandang halimbawa ng maturong espirituwal na tao ay ang Apostol Pablo mismo.

Ang karnal na tao. Matapos ikumpara ang hindi nananampalatayang natural na tao sa nananampalatayang maturong espirituwal na tao, binanggit naman ni Pablo ang isang pangkat ng mga mananampalatayang tinawag niyang karnal (sarkikos, makalaman, makasanlibutan—laban sa maka-Diyos): “At ako, mga kapatid, ay hindi nakapagsalita sa inyo na tulad sa mga nasa espiritu, kundi tulad sa mga nasa laman, tulad sa mga sanggol kay Cristo. Kinandili ko kayo ng gatas, at hindi ng lamang-kati; sapagka't kayo'y wala pang kaya noon: wala, na ngayon pa man ay wala kayong kaya; Sapagka't kayo'y mga sa laman pa: sapagka't samantalang sa inyo'y may mga paninibugho at mga pagtatalo, hindi baga kayo'y mga sa laman, at kayo'y nagsisilakad ayon sa kaugalian ng mga tao? Sapagka't kung sinasabi ng isa, Ako'y kay Pablo; at ng iba, Ako'y kay Apolos; hindi baga kayo'y mga tao” (1 Cor. 3:1-4).

Kailangang kausapin ni Pablo ang mga karnal na mananampalatayang ito na tila kausap ay mga espirituwal na sanggol (“sanggol kay Cristo”). Nilarawan niya sila bilang mga ayaw at dahil dito ay walang kakayahang maunawaan ang malalalim na turo ng katotohanan ng Diyos na tinawag na “lamang-kati.” Ang iba pang mga katangian ay pagkainggit, pagtatalo, at mga paghahati, na siyang nasa ugat ng mga problema sa iglesia sa Corinto. Isang parehong deskripsiyon sa Hebreo 5:12-13 ang naglalarawan sa mga mambabasang pinabayaan ang kanilang espirituwal na paglago anupa’t sila ay tila mga imaturong sanggol na “walang kasanayan sa Salita ng Katuwiran.” Nilalarawan ng Galatia ang mga lumalakad sa laman bilang mga laban sa Espiritu at gumagawa ng kaparehong mga kasalanan sa mga hindi mananampalataya (Gal. 5:17-21; Tingnan ang Tala ng Biyaya Blg. 96, "Pag-unawa ng mga Listahan ng mga Kasalanan sa 1 Corinto 6:9-11, Galacia 5:19-21 at Efeso 5:3-5")

Ang estadong ito ay hindi nakalulugod sa Diyos. Ang karnalidad ng isang mananampalataya ay dahil sa kanilang espirituwal na kapabayaan at sa pag-ibig sa sanlibutan at sa sarili. Isang halimbawa ng karnal na mga mananampalataya ay ang iglesia sa Corinto. Kinikilala rin nating ang nagmamaturong alagad ay maaaring kumilos na karnal, gaya nila Apostol Pedro at Barnabas (Mat. 16:22-23; Gal. 2:11-13).

Ang mga bagong panganak na mananampalataya. Kinikilala ni Pablo (at ni Pedro) ang isa pang kategoriya ng mga Cristiano, ang mga bagong panganak sa pamilya ng Diyos. Tinawag niya silang “mga sanggol kay Cristo” (1 Cor. 3:1) na maaari lamang kumain ng mga pagkaing pambata, o ang “gatas” ng Salita (Heb. 5:12-13; 1 Pedro 2:2). Ang pangkat na ito ay hindi sinisi sa kanilang kawalan ng maturidad o ng espirituwal na pagkaunawa maliban kung mabigo silang lumago at manatiling sanggol.

Pagbubuod

Samantalang pinapakita sa atin ng Evangeliong ang alagad ni Jesus ay isang komitadong tagasunod sa isang espirituwal na paglalakbay, pinapakita naman sa atin ng mga Epistulang sa kategoriyang iyan ay may iba’t ibang uri ng mananampalataya mula sa bagong panganak na Cristiano hanggang sa karnal, maturo at espirituwal. Ang ideyal at normal na inaasahan ng Diyos para sa bagong panganak na mananampalataya ay ang lumago upang maging espirituwal, nakasuko sa Espiritu Santo, na lumago hanggang sa puntong iyan ng kanilang paglalakbay sa pagiging alagad. Isa pang paraan upang ilarawan ang ideyal ng Diyos ay ang mapuspos ng Espiritu, nakaayon sa larawan ni Cristo at taglay ang kaisipan ni Cristo. Kung paanong tayo ay naligtas sa biyaya, tayo ay naging espirituwal na maturo sa pamamagitan ng mabiyayang kapangyarihan at probisyon ng Diyos (Rom. 5:1-2; Tito 2:11-14; 2 Pedro 1:2-8; 3:18). Matapos manampalataya ng isang tao kay Cristo bilang Tagapagligtas, kailangan nating silang hamuning hindi lamang maging alagad, kundi maging espiritual na mga alagad na puspos ng at lumalakad sa Espiritu Santo. Kung ikukunsidera ang imaturidad at karnalidad ng maraming Cristiano ngayon, dapat nating bigyang-diin ang nais ng Diyos para sa lahat na lumago sa biyaya upang maging maturo, espirituwal na mga taong kawangis ni Cristo.


*Ang GraceNotes ay idinisenyo para sa pag-download at pagkopya upang magamit ang mga ito sa ministeryo. Walang pahintulot ang kinakailangan kung ang mga ito ay ibinahagi nang hindi na-edit nang walang bayad. Kung wala kang pdf viewer maaari kang mag-click dito para mag-download ng libreng bersyon.
GraceNote

GraceNotes
RSS Feed

Ang GraceNotes ay isang maikling kwarterly na pag-aaral ng mga isyung may kinalaman sa kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at pamumuhay sa pamamagitan ng biyaya. Dinesenyo sila upang ma-download (mayroong pdf) at makopya upang magamit sa ministri. Hindi kailangan ang pahintulot kung ito ay ipakakalat nang walang pagbabago at walang bayad. Maaari rin kayong tumanggap ng bagong GraceNotes (Tala ng Biyaya) sa pamamagitan ng pag-subsribe sa aming libreng kwarterly na GraceLife newsletter.

GraceNotes